by Matt Jerome Casequin
Kabilang sa maraming programa ng DOST-TAPI ang pagsasagawa ng NICE o National Invention Competition and Exhibits, isang patimpalak na naglalayong mabigyan ng platform at kilalanin ang mga aspiring na imbentor mula sa mga pribadong sektor, mga government-funded technology, at mga mag-aaral mula sa high school at college levels.
Ang Tuklas, Unlad, at Sibol ang tatlong pangunahing parangal para sa mga mananalo. Ang Sibol – hango sa tawag sa isang binhi na papausbong o ang pagtubo ng punla – ay ibinibigay bilang pagkilala sa natatanging mga imbensyon at malikhaing pananaliksik ng mga mag-aaral sa mataas na paaralan at kolehiyo. Ito ay naglalayong hikayatin ang mga kabataan na magbigay ng makabuluhang ambag sa agham, teknolohiya at kultura ng inobasyon sa bansa.
Noong 2022, idinaos ang NICE sa pamamagitan ng virtual video conferencing dahil sa mga limitasyon dulot ng banta ng pagkalat ng COVID-19 sa bansa. Sa kabila ng mga restrictions, maayos at matagumpay pa ring naisagawa ang mga aktibidad mula sa pagkalap ng entries, hanggang sa awarding ceremonies. Mula sa kategorya ng “Sibol” o Most Outstanding Student Creative Research, itinanghal ang mga panalo na sila – Engr. Mark Kennedy Bantugon para sa College Level para sa kanyang PhysicoChemi-Mechanical, Thermal and Rheological Properties Analysis of Pili Tree (Canarium Ovatum) Resis as Aircraft Integral Fuel Tank Sealant; at sina Marville Andrei M. Barbosa, Dorothy Marie L. Servan, at Ysabell M. Pineda sa High School Level para sa kanilang E-TANIM - An Innovative Soilless Paddy Mat.
Ang noo’y college student sa Philippine State College of Aeronautics mula sa Batangas na si Engr. Mark Kennedy Bantugon na itinanghal na 1st place Sibol Awardee para sa kanyang Pili Sealant, ginamit ang nakamit na cash prize para sa pagbuo pagpapaunlad pa ng kanyang produkto, partikular para sa Intellectual Property Protection, kasama ang local at global patent protection, pagbili ng iba't ibang kagamitan na kinakailangan para sa patuloy na pananaliksik at pagdevelop ng Pili Seal, at ang pagproseso ng maipa-commercialize ang produkto nya.
Photo screen grab from NICE 2022 Virtual Awarding courtesy of Dorothy Servan.
Mula naman sa Mabini Academy sa Lipa City, Batangas ang grupo na nagwagi ng Sibol awards – High school category para sa proyektong E-TANIM. “Napakalaking plot twist po nito para sa team kasi una sa lahat ay nakatanggap po kami ng pagkilala sa aming school and community. Additionally po, we became an inspiration to other students to pursue and be dedicated to their innovative projects,” sabi ng isa sa mga miyembro na si Dorothy Marie Servan. Dagdag pa niya, pagkatapos nilang manalo, nabago at mas lumawak ang pananaw niya sa Philippine Agriculture, dahilan upang i-pursue niya ang Agriculture bilang kaniyang programa sa kolehiyo.
Engr. Bantugon holding his NICE 2022 Trophy.
Ang Pili Seal at si Engr. Bantugon, kabi-kabilang local at international awards ang patuloy na natatanggap. Kamakailan lang ay nanalo siya ng Bronze Medal sa ginanap na 49th International Exhibition of Inventions in Geneva (IEIG) noong Abril at kinilala siya at ang Pili Seal bilang Global Youth Changemaker ng World Intellectual Property Organization (WIPO). Kinilala rin sya bilang kauna-unahang Pinoy na nakatanggap ng National Awards for Inventor ng WIPO at Fastest Granted Patent Invention ng Intellectual Property Rights of the Philippines (IPOPHL). Nagsimula bilang thesis project sa college, ngayon ay isa nang ganap na kumpanya na tinawag niyang “Pili AdheSeal Inc.”, matapos magkaroon si Bantugon ng 100-dollar investment agreement mula sa mga foreign investors.
“Naniniwala po ako na dapat kabilang kaming mga kabataan sa mga pag-unlad sa [larangan ng] Science and Technology. This is because, kami po ang susunod na henerasyon na magpapatuloy ng mga nasimulan na innovation, at kami rin ay may mga fresh and new ideas, also kakaibang pananaw na maaaring magpabago sa larangan. Sa pamamagitan ng aming partisipasyon, natututo kami mag-isip ng kritikal, magtulungan, at magpursige sa paghahanap ng solusyon sa mga problema ng lipunan…”, saad ni Dorothy.
Photo courtesy of Dorothy Servan
Para naman kay Engr. Bantugon, sa pamamagitan ng tamang pakikipagtulungan at kolaborasyon kasama ang pamahalaan, pribadong sektor, mga negosyo, komunidad, at akademya, matutulungan tayo na mailabas ang tunay na potensyal ng mga imbentor, sa pagtingin sa commercial value ng imbensyon paglabas ng mga ito sa merkado.
Gaya ng pagsibol na nagsisimula sa maliit, hanggang sa ito ay yumabong at kalauna’y maging isang matatag na organismo, ang pagkakaroon ng malikhaing isip ay nagsisimula sa pagkabata. Sa pamamagitan ng mga programa tulad ng NICE, ang mga kabataan ay binibigyan ng pagkakataon na maglinang at magbigay ng makabuluhang ambag sa agham, teknolohiya, at kultura ng inobasyon sa bansa. Ang patuloy na paglinang ng kanilang malikhaing kaisipan ay nagbubunga ng mga produktibong indibidwal na handang harapin ang mga hamon ng hinaharap.
Bisitahin palagi ang aming website sa www.tapi.dost.gov.ph at ang aming mga social media accounts para sa mga susunod na NICE 2024 updates.